WebClick Tracer

Para Pinoy maging healthy! Mas mataas na tax exemption sa imported sports, health improvement products itinulak

Itinulak ng isang party-list solon ang pagtaas sa tax exemption ceiling para sa mga imported na sports at health improvement product upang mahimok umano ang mga Pilipino na maging fit at healthy.

Ayon kay House Assistant Majority Leader at PBA partylist Rep. Margarita Nograles mahal ang sports at health gear sa bansa dahil sa mataas na importation cost.

Sinabi ni Nograles na batay sa Bureau of Customs Administrative Order 02-2016 ang ceiling para sa non-dutiable imported goods ay P10,000. Ang single importation para sa mga bagay na nagkakahalaga ng mahigit P10,000 ay pinapatawan ng 15% Customs duty at 12% Value Added Tax (VAT).

Ipinanukala ni Nograles na itaas ang ceiling ng tax exemption sa P50,000 para sa mga sporting at health improvement equipment at goods.

“If we do this, we can have free gyms in every barangay and we can encourage our population to have an active lifestyle. If we can have a healthy population, we will also have a healthy nation,” dagdag pa ni Nograles.

Kapag mas dumami umano ang mga Pilipino na maganda ang pangangatawan ay mababawasan ang public health spending ng gobyerno sa mga sakit na may kaugnayan sa lifestyle gaya ng obesity, sakit sa puso, high blood pressure, at mataas na cholesterol na nauuwi sa strokes, metabolic syndrome, diabetes, at ilang uri ng kanser.

Batay sa datos ng Department of Health data, sinabi ni Nograles na 40% ng pagkamatay sa bansa ay sanhi ng lifestyle diseases. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on