WebClick Tracer

Hindi puwede ang ukay-ukay, DSWD tatanggap lang ng donasyong mga bagong damit 

Hindi tatanggap ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga donasyong ukay-ukay na damit para sa mga biktima ng kalamidad, partikular sa mga naapektuhan ng flash flood sa iba’t ibang mga lugar sa Visayas at Mindanao.

Ito ang inihayag sa Laging Handa public briefing ni DSWD Assistant Secretary Romel Lopez sa harap ng patuloy na pagtanggap ng tulong para sa mga biktima ng kalamidad.

Ayon kay Lopez, hindi naman masama ang tumulong at mag-donate pero hindi nila ini-encourage ang used clothing o mga ukay-ukay na nakumpiska ng Bureau of Customs.

Paliwanag ni Lopez, ayaw nilang makompromiso ang kaligtasan ng mga biktima ng kalamidad lalo na kapag hindi masigurong ligtas ang mga ito mula sa bansang pinanggalingan.

“Napaka-praktikal gawin na yung smuggled items gaya ng used clothings ay ipamahagi. Yun lamang po, sa panuntunan ng DSWD ay dini-discourage namin yung mga donasyon na mga used clothing. Maaari yung talagang brand new, pero yung used clothings ay dini-discourage sa pangambang maaari itong magdulot ng health hazards,” saad ni Lopez.

Ang tinatanggap lamang aniya ng DSWD ay mga bagong damit dahil ayaw ng kanilang tanggapan na mapahamak ang mga biktima ng kalamidad.

“Ang tinatanggap lang natin ay mga bagong damit o bagong kagamitan.Hindi natin alam kung saan galing na bansa yan, at hindi natin alam kung dumaan sa tamang pagsasaayos, paglilinis at kung na-check na walang maaaring idulot ito na health hazard sa ating mga kababayan. Hindi natin nais ma-compromise yung ating mga recipient,” dagdag ni Lopez.

Kahit sa mga donasyong pagkain, sinabi ni Lopez na dapat ay mayroong one year expiration ang mga ito para masigurong ligtas ang mga tatanggap ng pagkain.

“Kahit mga pagkain na ido-donate sa ating mga kababayan, hinihikayat natin sila na at least mayroon pong one year na expiration para masiguro natin yung kaligtasan ng tatanggap,” wika ni Lopez. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on