Bibiyahe si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Davos, Switzerland ngayong Linggo para dumalo sa limang araw na World Economic Forum.
Sa pre-departure briefing sa Malacañang, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Carlos Sorreta na napapanahon ang biyahe ng Pangulo sa Davos dahil matapos ang matinding pagsubok mula sa COVID-19 pandemic ay makakadalo ito sa pangunahing forum kung saan magtitipon-tipon ang mga pangunahing business leader sa mundo para pag-usapan ang mga hamon at mga oportunidad na kinakaharap sa pandaigdigang ekonomiya.
“The President goes to Davos at a time when our country, and our region is recovering, well, from past challenges where projections remain high for economic growth in our country and our region. And we have a realization in our region that individual and collective economic potential remains great, and there is a lot of hope and optimism. So it’s a good time for our country in representing our country and our region to be in Davos at this time,” saad ni Sorreta.
Sinabi ng opisyal na tanging si Pangulong Marcos Jr. lamang ang lider sa ASEAN na dadalo sa WEF at hindi lamang ang Pilipinas ang ikakatawan nito kundi ang ASEAN region at EAst Asia Region sa dadaluhang forum.
Kabilang sa magiging delegasyon ng Pangulo sa biyahe nito sa Davos, Switzerland ay ang kaniyang economic team at business leaders ng bansa.
Inaasahang makikilahok si Pangulong Marcos Jr. sa mga high-level dialogue session kasama ang iba pang state leaders kung saan maraming pandaigdigang isyu ang tatalakayin ng mga dadalo sa WEF.
“The President will be leading our economic team composed of government officials and business leaders, and we will present the country’s economic performance – which tops growth in the region – before an audience of international CEOs. The President will also participate in a high-level dialogue session with other leaders – the president of South Africa, prime minister of Belgium, president of the European Commission and, of course, the Prime Minister of a few more others who have still to confirm if they will be participating,” dagdag ni Sorreta. (Aileen Taliping)