Nanawagan si Senador Alan Peter Cayetano sa mga miyembro ng Southern Police District (SPD) sa Taguig na maging modelo ng mabuting gawain sa mga mamamayan.
Ayon kay Cayetano, mangyayari lamang ang tunay na pagbabago sa peace and order situation ng bansa kung kaisa ng Philippine National Police (PNP) ang mamamayan sa transpormasyon na nais ipatupad ng kapulisan sa lahat ng mga hanay nito.
“Lalo po doon sa inyong Civil Relations, hindi niyo po kakayanin ang peace and order kung pulis lang, hindi po kakayanin ni mayor lang, hindi kakayanin ng mga kapitan at mga kagawad. Kailangan ang pagbabago nanggagaling mismo sa tao,” ani Cayetano sa mga SPD officer sa kanilang 2023 Thanksgiving event sa Taguig noong Enero 10, 2023.
“Parang cleanliness ‘yan. Kahit anong basura ilagay, kahit anong huli ang gagawin mo, kung ‘yung tao ang tingin nila pwede silang magtapon ng upos ng sigarilyo, kaya magtapon kahit saan, hindi magbabago ‘di ba,” dagdag pa niya.
Hinikayat din ni Cayetano ang mga SPD officer na maging “persistent” o huwag tantanan ang pakikipagtulungan sa mga local government unit, lalo na sa mga pangangailangan ng kapulisan upang mas magampanan ang kanilang mga tungkulin.
“Number one (is) persistence. Kung alam niyong tama at alam niyong kailangan – ‘yan po man ay sasakyan, ‘yan po man ay training, ‘yan po man ay disability, ‘yan po man ay mga Commission on Audit regulations, et cetera – be persistent,” aniya.
“Let me ask you to continue to partner with the cities and municipalities in southern Metro Manila,” dagdag ng senador.
Sabi pa ni Cayetano, hindi dapat mapagod ang kapulisan sa paghingi ng tulong at mga kagamitan na kailangan nila mula sa lokal at pambansang pamahalaan kung peace and order ng bansa ang nakasalalay.
“We all know that there will not be a republic kung walang peace and order,” aniya. (Dindo Matining)