WebClick Tracer

Mala-Alcatraz na kulungan para sa mga tigasing kriminal, aprub kay PBBM

Suportado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang plano ng Department of Justice (DOJ) na ilipat ang mga presong may mabibigat na kaso sa isang kulungan na mala-Alcatraz at maihiwalay ang mga ito sa ibang mga bilanggo.

Sa ginanap na cabinet meeting sa Malacañang nitong Martes, sinabi ng Pangulo na mahalagang maihiwalay ang mga kriminal na halang ang kaluluwa sa mga ordinaryong bilanggo upang matigil ang illegal na aktibidad ng mga ito sa loob ng mga kulungan.

Binigyang-diin ng Presidente na talamak ang katiwalian sa loob ng Bureau of Corrections (BuCor) kaya kailangang maihiwalay ang mga bilanggo sa mga espesyal na pasilidad.

“Iyan ‘yung mga ganoon we have to do that para hindi na ka maka-contact. Alam mo, we have to isolate them properly,” saad ng Pangulo.

Ang Alcatraz ay kilalang kulungan sa San Francisco Bay, California dahil nasa isang isla ito at hindi basta-basta nakakatakas dahil napapalibutan ito ng dagat.

Wala pang pahayag ang DOJ kung anong lugar at saang isla sa Pilipinas ililipat ang mga tigasing preso.

Batay sa report ng DOJ sa Pangulo, pinag-aaralang ilipat ang maximum security compound sa Sablayan, Occidental Mindoro mula sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.

Pinag-aaralan din na magtayo ng heinous crime facilities sa Luzon, Visayas at Mindanao. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on