Mabigat ang request ni Interior Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr sa mga full pledge colonel at general sa Philippine National Police (PNP) para malinis ang pulisya sa iligal na droga.
Nitong Miyerkoles, sinabi ni Abalos na makagaganda na magbitiw sa pwesto ang mga colonel at heneral batay sa kanilang ilang buwan na pag-aaral.
Nalaman daw kasi ng kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) na may mga high-ranking police official na sangkot sa pagkalat ng iligal na droga.
“Lumalabas na meron mga generals, merong mga coronel na sangkot sa droga at ayon sa recommendation ng Chief PNP at ng ilang kapulisan, ako ay nananawagan sa lahat ng full colonel hanggang sa general, ako ay umaapela na magsubmit ng courtesy resignation,” wika ni Abalos.
Aniya, ito lang ang paraan para magkaroon ng ‘fresh start’ sa PNP at mabawasan ang paglaganap ng ninja cops sa kanilang hanap.
“Ano ang sinasabi ko mga kababayan? Mahirap lumaban sa giyera na ultimo ang kakampi mo ang babaril sa likod mo. Kinakailangan linisin natin ang hanay natin,” aniya pa.
Siniguro naman ni Abalos na hindi dapat mangamba ang mga PNP official na magsusumite ng kanilang resignation dahil makakabalik din sila sa kanilang pwesto kapag napatunayang wala silang sala. (RP)