WebClick Tracer

Pulong Duterte hinirit tax break sa mga doktor na libreng naggagamot

Itinulak ni Davao City Rep. Paolo Duterte ang pagbibigay ng tax break sa mga doktor na boluntaryong nagbibigay ng serbisyo sa mga mahihirap na pasyente.

Ayon kay Duterte, ang pagbibigay ng tax incentive ay isang paraan upang kilalanin ang kabutihang ginagawa ng mga doktor upang makapaghatid ng de kalidad na serbisyo sa mga walang pambayad.

Sa House Bill 5672 na akda nina Duterte, Benguet Rep. Eric Yap at ACT-CIS partylist Representatives Edvic Yap at Jeffrey Soriano, kinilala ang mga doktor na tumutulong umano sa mga mahihirap may pandemya man o wala.

Sa ilalim ng panukala, ang tax credit na ibibigay sa mga doktor na maibabawas sa kanilang gross income na bubuwisan.

Ang Department of Health (DOH) at Philippine Medical Association (PMA) ang siyang susuri sa serbisyong ibinigay ng doktor at ikokonsidera rito ang haba ng oras na kanyang iginugol at ang panggagamot na ginawa.

Ang Bureau of Internal Revenue (BIR), sa tulong ng DOH at PMA ang gagawa ng rules and regulations sa implementasyon ng panukala.

Batay sa pag-aaral ng University of the Philippines mayroong 3.7 doktor para sa bawat 10,000 Pilipino, malayo sa World Health Organization-prescribed ratio na isang doktor kada 1,000 indibiduwal.

Sa kabila ng malaking pangangailangan ng doktor, sinabi ni Duterte na mayroong mga pinili na magserbisyo ng libre sa malalayong komunidad.

“These volunteer physicians took the initiative to extend their helping hands to the poor and marginalized as a response to the unreachable gap in the access to quality healthcare,” sabi ng mga may-akda ng panukala. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on