Mahigit pitong libong Overseas Filipinos (OFs) ang natulungan ng Marcos administration ngayong taon.
Ito ang inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa kanilang accomplishment report sa Malacañang bilang bahagi ng mandato na tiyakin ang kapakanan ng mga Pilipinong nasa ibang bansa.
Ayon sa Office of the Press Secretary, kabuuang 7,880 na OFs ang na-repatriate simula Enero hanggang Nobyembre 2022.
Nakapagtala ang DFA ng 57.67 percent ng mga repatriates, mula sa Middle East kung saan 942 OFs ay mga distressed Overseas Filipino Workers mula sa Kuwait at 70 mula sa Sri Lanka.
Ayon kay Press Secretary Officer-in-Charge Cheloy Garafil, nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang maayos na koordinasyon ng DFA at ang bagong tatag na Department of Migrant Workers (DMW) upang mas lalong mapaigting ang pagtulong sa mga Pinoy na nasa ibang bansa.
“President Marcos earlier said the coordination between the DFA and the newly created Dept.of Migrant Workers would be further strengthened in a bid to provide assistance to OFs,” saad ni Garafil.
Matatandaang sa bawat biyahe ng Pangulo sa ibang bansa ay nakikipagkita ito sa Filipino community kung saan kinikilala nito ang kontribusyon ng mga OFW sa bansa lalo na noong panahon ng pandemya na nakatulong sa ekonomiya. (Aileen Taliping)