Naghain ng panukala ang kongresista mula sa Mindanao upang ipagawa sa Kongreso ang mandato ng Konstitusyon kaugnay ng paglikha ng mga bagong distrito batay sa populasyon.
Ang House Bill 6651 na akda ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ay posibleng magresulta sa pagdami ng mga kongresista.
Ayon kay Rodriguez sa ilalim ng Section 5 ng Article VI ng Konstitusyon, dapat nagsasagawa ng reapportionment o paghahati-hati ng mga legislative district ang Kongreso sa loob ng tatlong taon kada census.
“However, Congress does not make reapportionment of legislative districts within three years of the return of every census as mandated by the Constitution. Instead new legislative districts are created through law, which are usually influenced by political motivation,” sabi ni Rodriguez sa explanatory note ng panukala.
Sa ilalim ng HB 6651, ang isang legislative district ay dapat mayroong populasyon na hindi bababa sa 400,0000. Wala namang distrito na buburahin sa isasagawang reapportionment.
Bawat siyudad ay magkakaroon ng legislative district kung ang populasyon nito ay hindi bababa sa 250,000 at bawat probinsya ay dapat mayroong kinatawan sa Kamara, ayon sa panukala.
Sa kasalukuyan ay mayroong 253 legislative district. Batay sa 2020 census ay 109 milyon ang populasyon ng bansa. (Billy Begas)