WebClick Tracer

Korte kung saan maaaring magsampa ng libel laban sa local journo pinalilimitahan

Isang panukala ang inihain sa Kamara de Representantes upang limitahan ang korte kung saan maaaring magsampa ng kasong libel laban sa isang local o community journalist, publication o broadcast station.

Sa House Bill 139, sinabi ni Cebu Rep. Rachel Marguerite Del Mar na isang reyalidad na ginagamit ang kasong libel upang ma-harass ang mga mamamahayag at ang pinapasukan nitong media company.

Ayon kay Del Mar, ang isang pahayagan o broadcast station sa Aparri, Jolo, Cebu o Davao ay maaaring sampahan ng kaso sa Metro Manila kung saan nakatira ang nagrereklamo kahit na ang isyu ay hindi naman nangyari sa Metro Manila.

Bagama’t maaari umanong isampa ang reklamo sa Regional Trial Court ng probinsya o siyudad kung saan lumabas ang libelous na pahayag, sinabi ni Del Mar na ang reyalidad ay naghahanap ang nagrereklamo ng lugar na malayo upang pahirapan ang kaniyang mga irereklamo.

“In this context, the element of oppression is there. The toll of inconvenience, financial or otherwise, is often more onerous and burdensome than the penalty or fine prescribed by law. This may even lead to miscarriage of justice in cases where the accused or defendant fail to appear because of the distance and travel constraints,” sabi ni Del Mar sa explanatory note ng kanyang panukala.

Bagama’t maaaring sa huli ay mabasura ang kaso, “the damage has been done, it already punished the community journalist and his publication by the excessive cost of litigation and inconvenience.”

Sa ilalim ng panukala, ang libel case laban sa community o local journalist, publication o broadcast station ay maaari lamang isampa sa Regional Trial Court ng probinsya o siyudad kung nasaan ang principal office ng journalist o broadcaster. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on