Nanawagan si Davao City Rep. Paolo Duterte sa Senado na bigyang prayoridad ang pag-apruba sa panukalang Magna Carta for Barangay Health Workers (BHW) na makakatulong umano upang mapunan ang kakulangan sa community-based primary health care services sa bansa.
Ginawa ni Duterte ang pahayag matapos na aprubahan ng Kamara de Representantes ang House Bill 6557 sa ikatlo at huling pagbasa. Si Duterte ay isa sa may-akda ng panukala.
“There are at least a dozen bills in the Senate proposing a magna carta for BHWs that still need to be reconciled and consolidated into a substitute bill. We hope the Senate would be able to prioritize the passage of its counterpart measure of the Magna Carta when Congress resumes session next month,” sabi ni Duterte.
Sinabi ni Duterte na malaki ang papel na ginagampanan ng mga BHW subalit hindi masyadong nabibigyan ng atensyon ang pangangailangan ng mga ito.
Kumpiyansa ang solon na mas marami ang magbo-bolunter na maging BHW kung mayroon ng kompensasyon at benepisyo ang mga ito.
Sa ilalim ng panukala, ang Department of Health (DOH) ang tutukoy sa kinakailangang dami ng BHW sa isang lugar.
Ang mga BHW ay bibigyan ng buwanang honorarium na hindi bababa sa P3,000, transportation allowance na hindi bababa sa P1,000 at hazard pay na hindi bababa sa P1,000. Sila ay bibigyan din ng P100 arawang subsistence allowance.
Ang mga magseserbisyo ng hindi bababa sa 15 taon ay bibigyan ng one-time gratuity cash incentive na hindi bababa sa P10,000 ang halaga.
Ipinasok din sa HB 6557 ang panukala ni Duterte na bigyan ang mga BHW ng 20% diskwento sa mga bilihin at serbisyo gaya ng ibinibigay sa mga senior citizen. (Billy Begas)