Anim na magkakapamilya ang patay habang isa pa ang kritikal matapos na tumaob ang kanilang sinasakyang pick-up sa Calamba City, Laguna nitong Biyernes ng madaling-araw.
Ayon sa report ng Calamba City Police, batay sa pahayag ng mga testigo, mabilis ang takbo ng pick-up sa national highway habang paparating ito sa matalim na kurbada malapit sa tulay na boundary ng Barangay Paciano at Barangay San Cristobal sa Calamba City.
Dahil umano sa bilis ng takbo ng pick-up, lumihis ito sa kabilang linya at muntik nang masalpok ang kasalubong na isang motorsiklo at isang pampasaherong jeep na kapwa nagawang makailag.
Nakailag din ang pick-up kaya nawalan ito ng konrol at bumaligtad at bumangga sa barricade sa gilid ng highway.
Sa lakas ng impact, wasak na wasak ang buong pick-up at naipit sa loob ang pitong sakay.
Agad ang mga itong ni-rescue ng mga tauhan ng Calamba PNP, Calamba BFP at Laguna STAC rescue team.
Subalit apat sa mga sakay ang binawian ng buhay sa Calamba Doctors Hospital samantalang dalawa ang idineklarang dead on arrival sa Global Medical Care sa Cabuyao City.
Kinilala ng Calamba City Police ang mga nasawi na sina Jhomel Hernandez Licas, 26, na siyang nagmamaneho sa pick-up; mga pasaherong sina Ruel Hernandez Dimailig, Jonel Hernandez, 29; Medel Hernandez, 32; at Angelo Hernandez, 24; lahat ay residente ng Barangay San Roque, Tagkawayan, Quezon.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng ikaanim na nasawi na isa pang lalaki.
Nas kritikal namang kalagayan sa ospital ang isa pa sa mga sakay na si Marvin Hernandez, 22-anyos.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng Calamba Police sa insidente. (Ronilo Dagos)
