WebClick Tracer

Pagbuo ng advisory body iniutos ni PBBM para tugunan ang mga isyu ng Pinoy seamen sa Europe

Pagbuo ng advisory body iniutos ni PBBM para tugunan ang mga isyu ng Pinoy seamen sa Europe

Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbuo ng advisory board upang matugunan ang mga suliranin sa deployment ng mga Filipino seamen sa Europa.

Ang direktiba ay ginawa ng Pangulo matapos itong makipagpulong sa mga employer na may-ari ng mga barko sa Brussels, Belgium nitong Martes kung saan natalakay ang pangangailangang sumunod sa mga panuntunan ng European Maritime Safety Agency (EMSA).

Tiniyak ni Pangulong Marcos Jr. sa transport officials ng European Union na tinutugunan na ng Pilipinas ang certification issues ng mga Filipino seamen at makasunod sa Standards of Training, Certification and Watchkeeping (STCW) Convention.

“In the last many years,the Philippines has done very well in terms of being the leading seafarers around the world, however,with the changing situation after the pandemic, with the changing situation especially when we talk about supply line problems, all of these have to be revisited,” saad ng Pangulo.

Kabilang aniya sa rerepasuhin ng gobyerno ay ang training, pagbabago sa curriculum at iba pa para sa mas ikagaganda ng kakayahan ng mga mandaragat.

Pangungunahan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagtatatag ng advisory body, kasama ang Maritime Industry Authority (MARINA), Commission on Higher Education (CHED) at iba pang stakeholders.

Tinatayang 50,000 Pinoy seamen na nagtatrabaho sa mga barko sa Europe ang namimiligrong mawalan ng hanapbuhay dahil sa kabiguan ng Pilipinas na makatugon sa itinakdang pamantayan sa EMSA sa loob ng nakalipas na 16 na taon.

Nagpasalamat si Pangulong Marcos Jr. sa mga opisyal ng EU na nakapulong nito kasama ang kaniyang delegasyon na inaasahan aniyang magpapatatag sa relasyon ng Pilipinas at European Union.

Isa ang mga Pinoy seamen sa mga nagdadala ng malaking remittance sa bansa na malaking bagay para mapaangat ang ekonomiya.

Nitong nakalipas na taon ay nakapag-remit ng $6.54 billion ang mga Filipino seamen, mas malaki kumpara sa naipadala noong 2020 na $6.353 billion o tatlong porsyento pagtaas ng kanilang remittances. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on