Itinulak ni Davao City Rep. Paolo Duterte ang pagbibigay ng discount sa remittance fee na ibinabayad ng mga overseas Filipino workers (OFW) kapag nagpapadala ng pera sa bansa.
Ayon kay Duterte ang kaniyang panukala ay tutukod sa OFW-friendly legacy ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na pumirma ng batas na lumikha sa Overseas Filipino Bank (OFBank)—ang kauna-unahang branchless at digital-only bank sa bansa.
“The billions of dollars in remittances sent home by our OFWs, who we consider as modern-day heroes, have always been one of the country’s major economic drivers. The money they send home helped the country ride out the economic shock triggered by the COVID-19 pandemic. It is important that we protect their hard-earned earnings,” sabi ni Duterte.
Inihain nina Duterte, Benguet Rep. Eric Yap at ACT-CIS party-list Representatives Jeffrey Soriano at Edvic Yap ang House Bill 4469 na nagbibigay ng 50% diskwento sa babayarang remittance fee ng mga OFW.
Sa ilalim ng panukala, ang isang OFW ay maaaring mabigyan ng hanggang P24,000 halaga ng discount kada taon.
Pagbabawalan din ang mga bangko at iba pang financial service provider na magtaas ng singil ng walang konsultasyon sa Department of Finance (DOF), Bangko Sentral ng Pilipinas at Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Sinabi ni Duterte na maaaring bumaba ang binabayarang remittance fee ng mga OFW sa tulong ng financial technology (fintech).
Ayon sa solon ang OFBank ay hindi lamang magagamit 24/7 kundi nakakatulong din sa mga OFW laban sa hindi resonableng remittance fee at foreign exchange rate.
Wala ring bayad ang fund transfer sa mga OFBank accounts at Land Bank of the Philippines accounts.
Ang OFBank Mobile Banking App ay maaari ring magamit sa pagbili ng retail treasury bond. (Billy Begas)