Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga katoliko na iwaksi ang pagiging makasarili at maging mapagbigay ng walang hiniginging kapalit.
Ito ang mensahe ng Pangulo sa pagdiriwang ng mga katoliko ngayong Huwebes, December 8 sa pagdiriwang ng Immaculate Concepcion of the Blessed Virgin Mary.
Sa panahon ng pagsubok at tagumpay dapat isaisip na mayroong gumagabay para malagpasan ang mga kahinaan, limitasyon at mga pagkukulang ng bawat isa.
Tulad aniya ni birhen Maria, iwasan nawa ng bawat isa ang pagiging makasarili at sa halip ay tumulong sa kapwa ng walang hinihinging kapalit.
“Like Mary, may we also strive to resign from our individualistic tendencies and aspire to generously give ourselves without expecting anything in return,” saad ng Pangulo.
Mas masaya at magaan aniya sa puso at pakiramdam na nakakatulong kaysa sa anumang materyal na bagay.
Sinabi ng Pangulo na kaisa siya ng mga katoliko sa pagdiriwang ngayong Huwebes para kay Blessed Virgin Mary at magsilbi sanang paalala sa mga tao ang dahilan kung bakit nabubuhay sa mundo.
Bagama’t walang nakakaalam kung ano ang naghihintay na kapalaran ng bawat isa sa mga darating na araw, sinabi ng Presidente na mauunawaan din kung ano ang kagustuhan ng Diyos para sa bawat isang may pananalig at pananampalataya.
“I trust that no matter how uncertain the days ahead remain, we will soon understand the will of God and the purpose behind the journeys that we have only walked in faith,” dagdag ng Pangulo. (Aileen Taliping)