WebClick Tracer

Abante columnist wagi sa Filipino Readers’ Choice Awards

Matapos ang deliberasyon ng maraming mambabasa, nakamit ng aklat ni Abante columnist at University of Santo Tomas (UST) Professor Joselito De Los Reyes ang Best Non-Fiction book ng Filipino Readers’ Choice Awards 2022 sa ginanap na parangal noong nagdaang araw.

Pinamagatang ‘#pasahero: mga nakikisakay na sanaysay’ ang aklat ng propesor na kasalukuyan ding coordinator ng Creative Writing program sa UST. Nilalaman ng aklat ang mga nakatatawang pagbabahagi ng mga sanaysay hinggil sa pang-araw-araw na karanasan bilang pasahero at manlalakbay ni De Los Reyes sa mga biyahe niya papasok at pauwi sa trabaho at sa kaniyang tinitirhang bayan sa Lucban, Quezon.

Itinanghal na Best Non-Fiction book #pasahero na inilathala ng UST Publishing House matapos ang proseso ng pagboto ng mga mambabasa at pagsalang sa mga piling hurado ng timpalak na itinataguyod ng Book Development Association of the Philippines.

Mababasa sa Abante ang isinusulat ni De Los Reyes sa column na pinamagatang ‘Talas-Salitaan’ tuwing Linggo. Naglalaman ito ng kaniyang kuro-kuro tungkol sa wika, panitikan, at kulturang popular. Samantala, mabibili naman sa mga piling bookstore sa bansa at online distribution ang aklat ni De Los Reyes.

TELETABLOID

Follow Abante News on