Ibebenta sa mga Kadiwa Center ang nakumpiskang mga puting sibuyas sa Tondo, Manila para mapakinabangan ng mamamayan.
Ito ang inihayag ni Department of Agriculture Deputy Spokesperson Rex Estoperez matapos makumpiska ng mga otoridad ang tinatayang P3.9 milyong halaga ng mga puting sibuyas na hinihinalang galing sa ibang bansa.
Ayon kay Estoperez, walang inisyung sertipikasyon ang D.A. para mag-import ng sibuyas kaya malinaw na illegal ang pagpasok ng nabanggit na produkto sa bansa.
Wala aniya silang ibinigay na import permit para sa puting sibuyas kaya nakapagtatakang mayroong nabibili nito sa palengke.
Ang chinecheck aniya ngayon ng ahensya ay matiyak na ligtas gamitin ang mga nakumpiskang sibuyas dahil kailangan pang dumaan ito sa phytosanitary inspection.
Sinabi aniya ni Undersecretary Domingo Panganiban na kapag matiyak na ligtas ang mga nakumpiskang sibuyas ay ilagay sa Kadiwa Centers para makabili ng murang sibuyas ang publiko.
“Sabi naman ni Usec Domingo, sige tingnan nyo, at gawin natin , ituloy natin, ilagay sa mga Kadiwa para makabili ng mura yung ating mga kababayan,” ani Estoperez.
Sinabi ng opisyal na may duda ang ahensiya na itinatago rin ang mga lokal na sibuyas kaya ito ngayon ang gagawin nila para ma-check kung mayroong nagho-hoard ng sibuyas para tumaas ang presyo nito sa palengke.
“Yung pagkakaalam namin, August-September P15 pesos per kilo lang sa ating producer. Binili nila tapos inilagay sa cold storage. Okey naman yan,pero ang problema kung sobra sobrang tutubuan na hindi na kaaya-aya sa ating mga kababayan eh yun ang gagawin natin,”dagdag ni Estoperez.
May utos aniya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang food security sa bansa kaya hindi tamang itaas ang presyo ng mga produktong pang-agrikultura na magiging dahilan para mahirapan ang mga mamimili. (Aileen Taliping)