WebClick Tracer

Rowena Guanzon kabado sa Maharlika Fund

Guanzon

May duda si dating Election commissioner Rowena Guanzon sa itinutulak na panukalang pagtatayo ng Maharlika Wealth Fund (MWF) ng liderato ng Kamara de Representantes.

Sa isang social media post, iginiit ni Guanzon ang pangangailangan na isiwalat at mapag-usapan sa publiko ang panukala.

“Let’s demand full disclosure and public discussions on the plan of Speaker and Cong S Marcos to create a Maharlika Wealth Fund. Baka Tallano gold na naman yen?” sabi ni Guanzon, nominee ng P3PWD party-list.

Ang Tallano gold, ayon sa mga hindi napatunayang teorya, ay tone-toneladang ginto na ibinayad ng Tallano clan kay Ferdinand Marcos Sr. na kanilang abugado.

Ang ginto ay nakatago umano sa basement ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Itinanggi naman ito ng BSP.

Sa pagdinig noong Huwebes, inaprubahan ni House Committee on Banks and Financial Intermediaries chairman at Manila Rep. Irwin Tieng ang mosyon na magsagawa ng public discussion kaugnay ng panukalang MWF.

Ang public discussion ay isasagawa sa Lunes kasama ang mga government financial institutions (GFI) na siyang maglalagak ng pondo sa MWF.

Sa naturang pagdinig ay inaprubahan din ang mga amyenda sa panukalang MWF.

Batay sa kopya ng panukala hanggang alas-4 ng hapon noong Disyembre 1, ang Commission on Audit (COA) ay binibigyan ng kapangyarihan na usisain ang MWF at ang mga transaksyong pinapasok nito.

Ang inisyal na pondo ng MWF ay manggagaling sa Government Service Insurance System (P125 bilyon), Social Security System (P50 bilyon), Land Bank of the Philippines (P25 bilyon), Development Bank of the Philippines (P25 bilyon), at Treasury of the Philippines (P25 bilyon).

Upang mapanatag ang loob ng mga benepisyaryo, mayroong sovereign guarantee sa pondong ilalagay ng GFI. Ibig sabihin, kung malulugi ang investment fund ay ibabalik ng gobyerno ang pondong inilagak nito.

Mayroon ding pondo na ilalagay sa MWF mula sa national government, Bangko Sentral ng Pilipinas at Philippine Amusement and Gaming Corporation. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on