WebClick Tracer

Holiday exodus nagsimula na – PPA

PPA

Nagsimula na ang pagdagsa ang mga pasahero sa mga pantalan para magbakasyon sa mga probinsya ngayong kapaskuhan.

Ito ang inihayag ni Philippine Ports Authority (PPA) Spokesperson Eunice Samonte sa Laging Handa public briefing kasunod ng pagpasok ng buwan ng Disyembre kung saan inaasahang maraming mga taga-lungsod ang uuwi sa mga probinsya para magbakasyon.

Ayon kay Samonte, Oktubre pa lamang ay may mga umuuwi na sa mga probinsya at inaasahang tatagal ang exodus hanggang Pebrero 2023 hanggang sa selebrasyon ng Chinese New Year kaya tuloy-tuloy ang Oplan Ayos Biyahe ng PPA para masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng mga biyahero sa mga pantalan.

“Nagsimula na nga ang holiday exodus. Actually nitong October pa lang at magtatagal nga iyan, asahan natin hanggang February sa susunod na taon, sa Chinese New Year ‘no. Pero tayo’y nakaantabay at 24/7 may operasyon tayo at tuluy-tuloy tayo dito sa Oplan Ayos Biyahe natin at lalo na ngayong Disyembre na, unang araw ng Disyembre so nakaantabay tayo dito sa mga pantalan,” saad ni Samonte.

Kasabay nito pinaalalahanan ng opisyal ang mga pasahero na sumasakay sa mga barko na huwag magbayad ng insurance dahil kasama na ito kapag bumili ng tiket.

Hinimok ni Samonte na ireport kaagad sa port police kapag mayroong mga barko na nag-oobliga sa kanila na bumili ng insurance dahil isa itong uri ng raket na hindi dapat mangyari.

“Ito nga iyong pinapaalala natin sa publiko at sa mga kababayan natin na sumasakay dito lalo na sa mga pantalan – wala pong sinisingil dapat na idagdag na insurance sa inyo kapag sasakay kayo at kapag nasa pantalan kayo kaya pinapaalalahanan natin sila na i-report iyan agad sa mga port police. Wala pong sinisingil na dagdag na insurance sa ating mga pasahero dahil ang insurance po ay kasama na doon sa binayaran ninyo. So nasa barko na po itong insurance na ito at dapat walang sinisingil dito sa ating mga kababayan,” dagdag ni Samonte.

Mayroon na aniya silang iniimbestigahan batay sa mga natanggap na sumbong sa social media page ng PPA at inaasahang maaksiyonan ito sa lalong madaling panahon. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on