Itinulak ni Davao City Rep. Paolo Duterte ang paggamit ng digital technology sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) upang gumanda ang serbisyo nito.
Ayon kay Duterte maaaring magsimula si PhilHealth president at CEO Emmanuel Ledesma sa paggamit ng online platform sa pagbabayad ng premium upang mas maging madali ito lalo na sa mga boluntaryong miyembro.
Inirekomenda rin ni Duterte ang pagpapalawak ng PhilHealth sa eKonsulta system, ang sistema kung saan ipinapasok ang mga datos ng isang pasyente kung saan makikita ang medical history nito na siyang magiging basehan ng mga doktor sa panggagamot.
Ang eKonsulta ay maaari umanong ipasok sa panukalang National eHealth System (NeHS) sa ilalim ng House Bill 4808 kung saan kasali ang paggamit ng e-prescriptions, e-pharmacies, at telemedicine.
Ang HB 4808 ay akda nina Duterte, Benguet Rep. Eric Yap, at ACT-CIS partylist Representatives Edvic Yap at Jeffrey Soriano.
Layunin ng panukala na maitayo ang isang digital-based system sa pagbibigay ng healthcare service. (Billy Begas)