WebClick Tracer

Johnny Arcilla, Jose Maria Paque swak sa Brookside Open Last 8

Umiskor si Johnny Arcilla nang napaigsing 1-0 (ret.) win kay Elvin Geluz samantalang dinurog ni Jose Maria Pague si Alberto Villamor, 6-0, 6-3, nang pangunahan nila ang anim na seeded bet sa quarterfinals ng Brookside Open National Tennis Championships nitong Miyerkoles sa Brookside Hills courts sa Cainta, Rizal.

Asintang sundan ang mga titulo sa Open sa Puerto Princesa at sa San Carlos, Negros Occidental, tinagpas ni multi-titled Arcilla si Rodolfo Barquin, 6-4, 6-3, mula sa opening round bye at umabante sa Last 8 ng Group A championship nang magretiro si Geluz sanhi ng injury.

Tokang makasagupa ng top seeded nine-time PCA Open champion si No. 11 Loucas Fernandez sa Huwebes na nag-bye sa first round, saka tiniklop sina Giulian Bandoquillo, 6-0, 7-5, at Alexis Acabo, 6-3, 6-4.

Nakaligtas si Pague laban kay Ibarra Ortego, 6-2, 7-6(7), sa second round at sinunod ng second ranked Zamboanga, Sibugay netter si Villamor para itakda ang pakipagtuos kay No. 8 Noel Damian, Jr.

Binaon ni Damian si top junior campaigner Eric Tangub, 3-6, 6-3, 10-3, pinagpag tapos si Rollie Anasta, 6-3, 6-4, sa lower half ng 64-player draw ng week-long championships na mga niisponsoran ng Palawan Pawnshop-Palawan Express Pera Padala, Rep. Jack Duavit, BHTC president Allan Del Castillo, Ret. PNP Dir. Gen. Oscar Calderon, Ret. Gen. Louizo Ticman at Selective Security Services.

Samantala, napasakamay ni top ranked Hannah Divinagracia ang girls’ 16-and-under crown sa nakaraang linggong PPS-PEPP Brookside Open National Juniors Tennis Championships, sa Brookside Hills din, winasiwas si Chloe Mercado, 6-1, 6-0, sa finals.

May nakakangilong kampanya ang Bacolod City star sa 0-4, 4-0, 10-8 na eskapo kay Kaye Mustaza sa second round bago pinagpag si Joy Ansay, 6-4, 6-0, sa semis.

Ang iba pang mga umabante sa Open ay sina third seed Vicente Anasta, na dinispatsa si Joseph Singson, 6-1, 7-5, at Miguel Iglupas, 6-0, 6-1; No. 10 Nilo Ledama na tinaob si Noel Salupado, 6-2, 6-2, at John Renest Sonsona, 6-4, 6-0; fifth-ranked Ronard Joven na tinibag si Marco Macalintal, 6-4, 6-3, at Kristian Tesorio, 6-1, 6-4; at fourth seed Charles Kinaadman, winner ng Gov. Edwin Jubahib Cup sa Davao Del Norte noong September, na binayo si Rafael Liangco, 6-1, 6-3, at isa pang junior star Marc Jarata, 6-0, 6-3.

Samantala, humugot sina top ranked Vicente Anasta at John Altiche nang mahirap na 6-4, 5-7, 10-5 decision kina Hilbert San Jose at Tesorio para masikwat ang semifinal berth sa men’s doubles play ng event na mga suportado ng ProtekTODO, PalawanPay, Unified Tennis Philippines at UTR (Universal Tennis Rating).

Ang mga kalahok sa Brookside Open ang malamang mga sumabak din sa Zentro Open sa Dec. 6-12 sa Zentro Recreational Tennis Court sa Apalit, Pampanga. Sa mga detalye pa, kontakin si event organizer Bobby Mangunay sa 0915 404 6464. (Ramil Cruz)

TELETABLOID

Follow Abante News on