WebClick Tracer

Amyenda sa panukalang Maharlika Wealth Fund aprub na

Inaprubahan ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries ang mga amyenda sa panukala na lilikha sa Maharlika Wealth Fund (MWF).

Sa deliberasyon ngayong Huwebes, inaprubahan rin ni Committee chairperson at Manila Rep. Irwin Tieng ang mosyon na ipadala ang panukala sa Committee on Ways and Means para sa pagtalakay sa tax provision nito at sa Committee on Appropriations para sa probisyon nito na may kaugnayan sa budget.

Ang pondo para sa MWF ay lilikumin mula sa Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), Land Bank of the Philippines (Land Bank), Development Bank of the Philippines (DBP), at National Treasury at may kabuuang P275 bilyon.

Ang national government ay mag-aambag din sa MWF batay sa rekomendasyon ng Finance Secretary. Mag-aambag din dito ang Bangko Sentral ng Pilipinas at Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor).

Sa pagtalakay ng komite, pinawi ni Marikina Rep. Stella Quimbo, isa sa mga may-akda ng panukala, ang agam-agam na makaapekto ito sa serbisyo at benepisyong ibinibigay ng mga government financial institutions (GFI) kung saan manggagaling ang pondo.

“Their investible funds are separate from the funds earmarked for benefit payments,” paliwanag ni Quimbo.

Ang MWF ay pangangasiwaan ng Board na pamumunuan ng Pangulo ng bansa.

Bukod kay Quimbo, ang panukala ay akda nina Speaker Ferdinand Martin Romualdez, House Majority Leader Manuel Jose Dalipe, Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos, at Tingog party-list Representatives Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre.

Layunin ng panukala na makapaglagak ng investment upang madagdagan ang kita ng gobyerno.

Ang panukala ay halaw sa investment fund ng 49 bansa kasama ang Singapore at Malaysia.

Nakatakdang isalang ang panukala sa ikalawang pagbasa sa Martes, Disyembre 6. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on