WebClick Tracer

Dalawa patay sa pamamaril sa Ilocos  Norte

Ilocos Norte

Kapwa wala ng buhay nang madiskubre ang isang babae at isang lalaki na umano ay pinagbabaril habang nasa loob ng kotse sa isang ginagawang kalsada sa Barangay Madamba sa bayan ng Dingras, Ilocos Norte.

Ayon sa Dingras Municipal Police Station, bandang alas 6:30 ng umaga ng Martes nang matagpuan ng mga nagjo-jogging sa lugar ang duguang bangkay ng mga biktima sa loob ng isang kulay pulang kotse na nakahinto sa ginagawang bypass road ng bayan ng Dingras.

Kinilala ang mga ito na sina Keith Dhenelle Garabiles, 32 anyos, miyembro ng Civil Security Unit (CSU) at si Marilyn Marcelino 49-anyos.

Nagtamo ng tama sa leeg si Garabiles at mga tama naman sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang kay Marcelino.
Ayon sa pulisya, posibleng Lunes pa ng gabi ng pagbabarilin ang mga biktima dahil matigas na ang mga bangkay nang madiskubre.

Narekober sa crime scene ang mga basyo ng 9mm na baril.

Lumabas sa imbestigasyon na may natatanggap ng mga death threat ang biktimang si Garabiles mula pa noong Agosto.
Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam kung sino ang suspek at kung ano ang totoong motibo sa krimen.

(RONILO DAGOS)

TELETABLOID