WebClick Tracer

Duterte itinulak kulong, multa sa pabayang magulang

Naghain ng panukala si Davao City Rep. Paolo Duterte at tatlo pang mambabatas upang makulong at pagmultahin ang mga magulang na hindi nagbibigay ng sustento sa kanilang anak o mga anak.

Sa ilalim ng panukalang Child Support Responsibility Act (House Bill 4807) na akda ni Duterte, Benguet Rep. Eric Yap, ACT-CIS Representatives Edvic Yap at Jeffrey Soriano, ang mga magulang na paulit-ulit na hindi magbibigay ng sustento ay maaaring makulong ng dalawa hanggang apat na taon at pagmumultahin ng P100,000 hanggang P300,000.

Ang mga first-time offender ay maaaring bigyan ng probation, ayon sa panukala.

Iginiit ni Duterte ang pangangailangan na maging responsable ang mga magulang sa kanilang anak.

Ipinunto rin nito na sa ilalim ng Anti-Violence Against Women and Children Act (Republic Act 9262), ang hindi pagbibigay ng child support ay itinuturing na economic abuse at isang krimen.

Sa ilalim ng panukala, ang child support ay hindi maaaring bumaba sa P6,000 kada buwan o P200 kada araw. Ang pinagsamang kita ng mag-asawa ang pagbabatayan ng halaga ng sustento.

Upang mapilit ang mga magulang na magbigay ng child support, maaaring hawakan ng gobyerno ang kanilang ari-arian, tax refund, i-report sa consumer credit bureau, kaltasan ang kanilang sweldo o retirement benefits at mga katulad na bagay.

Ang mga magulang na mayroong utang na sustento ay hindi bibigyan ng pasaporte. Maaari rin na kanselahin o suspendihin ang kanilang driver’s license, professional at occupational license, recreational o sporting license.

Kung walang trabaho, ipapasok ito sa mga programa ng gobyerno upang magkaroon ng kita.

Sa ilalim ng panukala ay itatayo rin ang National Child Support Program sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang magtayo ng Child Support Register at tulungan ang mga anak na hindi nakatatanggap ng sustento.

Batay sa datos ng World Health Organization (WHO), sinabi ni Duterte na mayroong 15 milyong solo parents sa bansa at 95% dito ay babae.

“Solo parents already have the responsibility of taking care of their kids on their own. They should not be burdened with the problem of compelling their irresponsible and negligent ex-partners to pay child support,” giit ni Duterte. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on