WebClick Tracer

Enrile nanindigan sa impeachment ni Corona

Nanindigan si dating Senate President at ngayon ay Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile sa kanilang naging desisyon noon sa impeachment case ni dating Supreme Court Justice Renato Corona kaugnay sa isyu ng kanyang statement of assets and liabilities and networth (SALN).

Ito ay matapos ibasura ng Sandiganbayan ang P130.59 million civil forfeiture case na inihain ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales laban sa mga tagapagmana ni Corona, partikular ang kanyang pamilya.

Sinabi ni Enrile na iginagalang nila ang desisyon ng Sandiganbayan pero nanindigan ito na malinaw sa kanilang ginawang impeachment proceedings noon sa Senado na mayroong mga ari-arian si Corona na hindi nito isinama sa kanyang SALN.

“‘Yun ang desisyon ng husgado pero sa aming paglilitis, ang isyu ay meron ba siyang hindi isinama na asset na nasa pangalan niya doon sa kanyang statement of assets and liabilities, eh lumabas nandoon na meron siyang hindi isinama. Ang depensa niya hindi sa kanya ‘yun pero nasa pangalan niya,” ani Enrile.

Ang mga senador sa panahon ni Enrile ang nagsilbing mga hukom sa ginawang paglilitis sa impeachment case laban kay Corona noong 2012.

Iginiit ni Enrile na ibang isyu ang forfeiture case sa assets ni Corona sa hindi nito pagsasabi ng totoo sa kanyang SALN na siyang napatunayan noong nilitis sa Senado ang dating punong mahistrado.

“Ibang isyu yun eh, yung forfeiture ng kanyang assets. Sinabi ng Sandiganbayan na wala siyang kasalanan so, these are two different institution, separation of powers. we in the legislative department iba ang paningin namin, iba ang paningin nila,” dagdag ni Enrile.

Kabilang sa mga hindi umano idineklarang assets ni Corona ay real estate properties na hindi isinama sa kanyang SALN simula 2001 hanggang 2010. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on