WebClick Tracer

Pagpapadala ng relief goods gustong ilibre ni Duterte

Itinulak ni Davao City Rep. Paolo Duterte at tatlong iba pang mambabatas ang panukala upang maging libre ang pagpapadala ng relief goods sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity ng Pangulo.

Binigyan-diin sa panukalang Relief Goods Free Transportation Act (House Bill 4809) ang kahalagahan na magkaroon ng maayos na sistema ng pagpapadala ng tulong sa mga nasalanta lalo na’t ang Pilipinas ay nasa Pacific ring of fire at dinaraanan ng may 20 bagyo kada taon.

Inaatasan ng panukala ang Logistics Cluster ng Office of Civil Defense, sa pakikipagtulungan sa Philippine Postal Corp., mga freight company, common carrier, freight forwarder, at iba pang logistic company na gawing libre ang freight services sa pagpapadala ng relief goods ng mga rehistradong relief organization.

Ang iba pang gastos gaya ng port fee, pilotage, at pagsasakay at pagkarga ng kargamento na kalimitang ipinapasa sa mga kustomer ay gagawin din na libre.

Kasama ni Duterte bilang may akda ng panukala sina Benguet Rep. Eric Yap, at ACT-CIS Representatives Edvic Yap, at Jeffrey Soriano. (Billy Begas)

TELETABLOID

Follow Abante News on