Nakiisa ang Office of the Press Secretary (OPS) sa pag-obserba ng All Soul’s Day.
Sa inilabas na pahayag ng tanggapan ni Press Secretary Officer-in-Charge Cheloy Garafil, nakikiisa ito sa pag-alala sa mga namayapang mahal sa buhay lalo na ang mga nasawi sa mga hindi inaasahang pagkakataon gaya ng mga nakalipas na sakuna.
Batid ng publiko na marami ang nasawi sa mga nagdaang kalamidad sa bansa partikular ang mga sunod-sunod na malalakas na bagyo na nagdulot ng pinsala sa maraming buhay.
“Ngayong All Soul’s Day, ang Office of the Press Secretary ay nakikiisa sa pag-alala sa ating mga namayapang mahal sa buhay,lalo na ang mga nasawi sa mga nakalipas na sakuna,” sambit ng OPS.
Hangad ng OPS na makabangon ang bansa at mamamayan mula sa mga pinagdaanang pagsubok sa tulong at gabay ng maykapal at makabalik sa normal na pamumuhay mula sa mga pinagdaanang hirap at pagsubok na mga sakuna.
“Panalangin ng OPS ang paghilom ng bansa sa mga pinagdaanang pagsubok at ang gabay ng Maykapal sa pagbangon ng ating mga kababayan mula sa pinsala ng mga nakalipas na sakuna,” dagdag ng OPS. (Aileen Taliping)