WebClick Tracer

Imee: Disaster resiliency i-level up na

Dapat nang i-upgrade ang kakayahan ng pamahalaan sa pagtugon sa mga kalamidad mula sa pagiging disaster response, kasunod na rin ng pagkamatay ng limang rescuer ng gobyerno sa San Miguel, Bulacan sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Karding, ayon kay Senadora Imee Marcos.

“Ang pagkalunod ng limang rescuer ay patunay lang sa kawalan ng sapat na flood watch at warning system gayundin ng istriktong mga panuntunan sa paglilikas sa mga residente sa mataas na lugar na dapat isinasagawa ng mas maaga,” sabi ni Marcos.

Ayon sa senadora, ang lugar na pinangyarihan ng trahedya sa Barangay Camias ay malapit lang sa San Miguel River at nasa pagitan ng dalawang irrigation canal pero walang klarong “preemptive safety measures” o klarong paunang hakbang para sa kaligtasan.

“Paano makakapagsalba ng buhay ang mga rescuer kung ang kaligtasan nila’y binabakasakali lamang. Mawawalang-saysay ang pagbibigay-pugay natin at pananalangin sa mga biktima at ang kanilang mga inulilang pamilya kung walang gagawing aksyon ang gobyerno para ma-iangat natin ito sa disaster resiliency,” dagdag pa ni Marcos.

Inihain ni Marcos ang Senate Resolution 421 ngayong Martes na isang pagkilala sa katapangan at kabayanihan nina George Agustin, Troy Justin Agustin, Marvin Bartolome, Narciso Calayag at ni Jerson Resurreccion ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Bulacan.

Aniya, may solusyon sa paghahanda at pagtugon sa kalamidad at iyon ang pagbuo ng National Resiliency and Disaster Management Authority (NRDMA) na pagpapa-angat sa kasalukuyang umiiral na National Disaster Risk Reduction Management Council ngunit mas matipid kumpara sa isang buong departamento ng gobyerno.

Matatandaan na bago ang pagsisimula ng 19th Congress ay naghain si Marcos ng Senate Bill 186 para buhayin ang kaniyang orihinal na panukalang Senate Bill 1125 noong 2019. (Dindo Matining)

TELETABLOID