WebClick Tracer

Gobyerno bibilhin ani ng mga magsasaka, isinulong sa Kamara

Naghain ng mga panukala sina Davao City Rep. Paolo Duterte at Benguet Rep. Eric Yap upang matulungan ang mga magsasaka na lumaki ang kanilang kita.

Sa ilalim ng House Bill 3382, ang gobyerno at mga ahensya nito ay bibili ng ani ng mga lokal na magsasaka para sa relief operation at school feeding program.

“It is only fitting to put our farmers first when attending to our countrymen’s urgent need for subsistence as our farmers are considered as the nation’s first responders in fulfilling our food requirements. This bill does not aim to derail fair competition in terms of foreign trade and importation, but to support the produce of our own,” sabi ng mga mambabatas sa explanatory note ng kanilang panukala.

Ipagbabawal naman ang pagbili ng mga produkto na hindi na angkop para kainin ng tao, hindi maganda ang kalidad, at sa mataas na presyo.

Inihain din ng dalawa ang House Bill 3383 kung saan aatasan ang National Food Authority (NFA) na magtayo ng mga modernong rice drying facilities sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Libreng magagamit ng mga magsasaka ang pasilidad na ito kung ibebenta nila sa NFA ang kanilang palay.

Sinabi ng mga solon na napipilitang ibenta ng mga magsasaka ang kanilang palay kahit sa murang halaga dahil sa kawalan ng pagpapatuyuan nito.

Ang kakailanganing pondo ay kukunin sa Department of Agriculture (DA), Philippine Amusement and Gaming Corp., Philippine Charity Sweepstakes Office, at Malampaya Funds. (Billy Begas)

TELETABLOID