WebClick Tracer

Arvin Tolentino na-shock na ipinamigay ng Ginebra

Walang kamalay-malay si Arvin Tolentino na huling laro na pala niya sa Ginebra ang 2022 All-Filipino Cup.

Noong Lunes masaya pa raw siyang nagpraktis kasama ang mga Ginebra teammate ngunit matapos nito ay saka ipinaalam sa kanya na na-trade siya sa NorthPort.

Aminado si Tolentino na na-shock siya sa nangyari dahil maganda naman ang performance niya sa katatapos na season, kung saan nag-average siya ng 11.9 points at 5.0 rebounds per game para sa Gin Kings.

“Nakakagulat, actually, to be honest. Nagulat ako nung sinabi sa akin. Parang ang bilis ng pangyayari. Monday, nagpa-practice ako with Ginebra, having fun with my teammates,” ani Tolentino, na 10th overall pick ng Ginebra noong 2019 PBA Rookie Draft.

“Then after practice, sinabihan akong na-trade ako sa NorthPort. The next day, I was practicing with NorthPort na,” dagdag niya. “Different environment, different teammates, bagong system, bago lahat.”

Maliban sa kanya, ipinamigay din ng Gin Kings si Prince Caperal sa NorthPort kapalit ni Jamie Malonzo.

Noong Miyerkoles, Sept. 21 ay naglaro na para sa Batang Pier si Tolentino laban sa Phoenix Super LPG Fuel Masters, kung saan nakuha nila ang unang panalo sa simula ng Commissioner’s Cup.

Impresibo ang ipinakitang gilas ni Tolentino na nagtala ng 16 points, 7 assists, 6 rebounds, career-high 4 blocks at 2 steals sa 92-89 panalo ng NorthPort kontra Phoenix. Dahil dito, nag-trending siya at pinanghinayangan ng Ginebra fans. (IS)

TELETABLOID

Follow Abante News on