WebClick Tracer

Proteksyon ng freelance workers hirit ni Duterte

Itinulak ni Davao City Rep. Paolo Duterte at tatlong iba pang mambabatas ang panukala na magbibigay ng proteksyon sa mga freelance workers.

Sa ilalim ng House Bill 3788, magiging mandatory na ang pagkakaroon ng written contract sa pagkuha ng serbisyo ng mga freelancers.

“Freelancers mostly belong to what we now call the ‘gig economy’ and have risen in numbers especially during the pandemic. Despite contributing significantly to the country’s economic growth, they remain vulnerable to abuse and exploitation,” sabi ng mga may-akda sa kanilang panukala.

Lalamanin ng kontrata ang serbisyong ibibigay, magkano at paraan ng pagbabayad, haba ng serbisyong ibibigay at mga kondisyon upang mabalewala ang kontrata, at Tax Identification Number (TIN) ng freelancer.

Ang mga freelancer na kailangang mag-field work ay dapat bigyan ng night differential kung sila ay pagpapasok sa pagitan ng alas-10 ng gabi hanggang 6 ng umaga. Ang night differential ay hindi maaaring mas mababa sa 10 porsyento ng bayad kada oras sa freelancer.

Ang mga ipadadala sa mga mapanganib na lugar ay dapat ding bigyan ng hazard pay.

Ipagbabawal din na bayaran ang freelancer ng lagpas ng 15 araw sa itinakdang petsa ng pagbabayad.

Ang iba pang may-akda ng panukala ay sina Benguet Rep. Eric Yap at ACT-CIS party-list Representatives Edvic Yap at Jeffrey Soriano.

TELETABLOID

Follow Abante News on