WebClick Tracer

48% ng mga Pinoy nagsabing mahirap sila – SWS

Lumabas sa huling survey ng Social Weather Stations (SWS) na 48% ng mga Pilipino ang nagsasabing mahirap sila.

Batay sa survey na inilabas nitong Martes, lumalabas na 12.2 milyong pamilya ang nagsasabing mahirap sila. Mas mataas ito kumpara sa 10.9 milyon noong Abril.
Isinagawa ang survey nitong Hunyo 26-29, at may 1,500 respondent.

Sa kabilang dako, 31% naman ang nagsabing sila ay borderline poor at 21% ang nagsabing hindi sila mahirap.

Ayon pa sa survey, mula 48% noong Abril ay umakyat sa 64% ang self-rated poverty sa Visayas, habang mula 32% nitong Abril ay sumipa sa 41% ang datos ng mahihirap sa Metro Manila. Gayundin, mula 60% ay naging 62% ang self-rated poverty sa Mindanao habang mula 35% ay naging 36% ang sa Balance Luzon.

Bukod pa rito, nalaman din sa parehong survey na 34% ng mga Pinoy ang nagsabing sila ay ‘food-poor’, o mahirap dahil sa klase ng pagkain na kanilang kinakain.

“The estimated numbers of self-rated food-poor families are 8.7 million in June 2022 and 7.9 million in April 2022,” saad pa ng SWS.