WebClick Tracer

Jeric nagulat sa pag-aartista ni AJ: Pumirma na pala ng kontrata

Nagulat umano si Jeric Raval sa pag-aartista ng kanyang anak na ngayon ay sexy actress na si AJ Raval.

Sa panayam kay Ogie Diaz, sinabi ni Jeric na dati niya umanong pinag-audition si AJ sa TV5 subalit hindi ito natanggap.

Pero napunta ito sa VIVA nang makita silang mag-guest sa game show na “Minute to Win It.”

“Pinag-aartista ko yan dati sa Channel 5, na-reject pa. Napunta siya ngayon sa VIVA kasi nag-guest kami sa Minute to Win It, nakita siya dun,” tsika ni Jeric.

Aniya pa, dahil sa wala siyang social media ay wala siyang balita sa buhay ng kanyang anak.

Nabigla na lang umano siya na nakapirma na ng kontrata at may gagawin na itong pelikula.

“Tapos hindi ko alam, dahil wala nga akong social media, hindi ko nalalaman kung anong nangyayari sa kanila, pumirma na pala ng kontrata tapos may pelikula na,” pahayag pa nito.

Samantala, inamin ni Jeric na hindi niya sinusuportahan ang pagpapaseksi ng anak, ngunit kung dito umano masaya ang anak ay ayos lang sa kanya.

“Nasa legal na edad na siya eh, buhay niya yun. Sabi ko, ‘Anak, yan na ba talaga gusto mo?’ Masaya naman daw siya. Ano kasi ako eh, kung saan masaya yung anak ko, sinusuportahan ko,” dagdag pa ng action star.