Nanawagan si Davao City Rep. Paolo Duterte sa gobyerno na gawing prayoridad ang rehabilitasyon ng Agus-Pulangi hydropower complex upang matiyak ang malinis at maaasahang mapagkukunan ng kuryente sa Mindanao.
Ayon kay Duterte, ang kanyang panawagan ay alinsunod din sa pagnanais ng Marcos administration na makatulong sa paglaban sa climate change.
“If we want to be a global leader in climate action, we can start with rehabilitating the Agus-Pulangi power plants in Mindanao. This long-term measure will eventually reduce Mindanao’s reliance on coal, and accelerate our shift to clean energy sources,” sabi ni Duterte.
Ipinunto rin ni Duterte ang pangangailangan na masiguro na may sapat na suplay ng kuryente sa Mindanao dahil sa paglago ng ekonomiya nito.
“The infrastructure boom in Davao City and other parts of Mindanao has led to the emergence of many growth centers in the island. This means a corresponding increase in the energy we need to power our residential, commercial and industrial developments,” dagdag pa ni Duterte.
Ang Agus-Pulangi complex ay mayroong pitong hydropower plants na may kakayahan na magsuplay ng hanggang 1,100 megawatts (MW) subalit nalilimita sa 600 hanggang 700 MW dahil sa kalumaan nito.
Naglatag ng plano ang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa rehabilitasyon ng power complex. Ang unang yugto ay ang rehabilitasyon ng apat na planta na lilikha ng 417 MW at ang ikalawa ay ang nalalabing planta para sa dagdag na 512MW.
Ang implementasyon ng rehabilitasyon ay nasa kasalukuyang administrasyon na.
Umaasa rin si Duterte na babanggitin ni Marcos sa kanyang State-of-the-Nation Address (SONA) ang climate action agenda ng administrasyon at ang plano nito upang mabawasan ang paggamit ng produktong petrolyo sa bansa.
Sa ilalim ng National Renewable Energy Program (NREP) 2020-2040, target ng Department of Energy (DOE) na palakasin ang paggamit ng renewable energy sa bansa. Iaayat ito sa 35% sa 2030 at mahigit 50% sa 2040.