WebClick Tracer

Mga wala pang 21-anyos nais pagbawalang tumagay

Inihain nina Davao City Rep. Paolo Duterte at Benguet Rep. Eric Yap ang panukala na magpaparusa sa mga indibidwal o establisyemento na magbebenta o papayag na uminom ng alak ang mga taong wala pang 21 taong gulang o mayroong problema sa pag-iisip.

Sa House Bill 1753, tinukoy nina Duterte at Yap ang datos ng World Health Organization (WHO) na nagsasabi na ang pag-inom ng alak ay ikatlong risk factor na nagdudulot ng pagkasira ng kalusugan at umaabot umano sa 2.5 milyon ang nasasawi rito kada taon.

“WHO further highlights that apart from the physical well-being, a wide variety of alcohol-related problems can have a devastating impacts on individuals and their families and can seriously affect community life,” sabi ng mga may-akda sa explanatory note ng kanilang panukala.

Ayon sa panukalang Anti-Underage Drinking Act, ang mga hindi kwalipikadong uminom ng alak ay ang mga indibidwal na wala pang 21 taong gulang at 21 taon gulang na ang edad pataas subalit walang kakayanan na alagaan o ipagtanggol ang sarili laban sa pang-aabuso, pananakit, o diskriminasyon.

Bukod sa pinagbabawalan na bumili, pagbentahan, o uminom ng alak, ang mga hindi kuwalipikadong indibidwal ay pinagbabawalan na magtago o magdala ng alak.

Sa unang paglabag ng hindi kuwalipikadong indibidwal ang parusa ay counseling sa barangay. Sa ikalawang paglabag ay kasama na nito ang kanyang mga magulang sa pagdalo sa dalawang magkasunod na sesyon ng counseling.

Sa ikatlong paglabag ay dadalhin na ang hindi kuwalipikadong indibidwal sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na siyang gagawa ng nararapat na hakbang.

Ang mga indibidwal na nasa legal na edad o opisyal ng establisyemento na lalabag ay pagmumultahin ng P50,000 o makukulong ng hindi hihigit sa tatlong buwan.

Kung muling lalabag, ang nabanggit na multa at kulong na ang ipapataw dito bukod pa sa pagkansela sa kanilang lisensya na magnegosyo.

TELETABLOID

Follow Abante News on