WebClick Tracer

ROTC bill muling ihahain ni Dela Rosa

Nakatakdang muling ihain ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang panukalang mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) bill sa pagbubukas ng 19th Congress.

Ayon kay Dela Rosa, nakahandang siyang maging author ng bersiyon ng panukala na imumungkahi ni Vice President-elect at incoming Education secretary Sara Duterte-Carpio.

“Yes, the same bill that I filed during the 18th Congress, ipa-file ko ngayon doon sa 19th Congress. At titingnan ko kung mayroong proposal ‘yung Office ng Vice President na gagawin nila, isa-submit sa akin, then I am willing to author such a bill na gusto nila, ‘yung version na gusto ni Vice President Inday Sara (Duterte),” sabi ni Dela sa panayam sa SMNI.

Ang ROTC bill ay isa sa 10 pangunahing mga panukala na inihain ni Dela Rosa nagdaang 18th Congress.

“That’s number two in my list of the top 10 priority bills na isa-submit ko on our first session day sa 19th Congress,” ani Dela Rosa.

Sa ilalim ng isusulong ni Dela Rosa, ang mandatory ROTC program ay gagawin sa Grade 11 at 12 sa parehong public at private schools habang ang advance ROTC ay available naman sa unang dalawang taon ng higher education.

Paliwanag ni Dela Rosa, mula nang alisin ang ROTC, nagbago umano ang ‘sense of pride, nationalism, at patriotism’ ng mga kabataan.

“At tsaka alam natin, mayroon tayong impending threat galing sa ating mga kapitbahay na mga bansa, ‘yung China, nandiyan palagi ‘yung threat ng China diyan sa ating West Philippine Sea,” ani Dela Rosa.

“So, worse comes to worst, we need, being a very small nation compared to the others, we need a ready reserve to support our regular armed forces in times of crisis,” sambit pa niya.

Pinagsasamantalahan din umano ng mga grupong makakaliwa ang mandatory ROTC na gustong pagbagsakin ang gobyerno.

“Yes, talagang ine-exploit ng kabilang grupo ‘yan, ng mga makakaliwang grupo dahil ano bang purpose or main objective ng makakaliwa? ‘Di ba, to destroy the government?… So, paano nila maagaw kung mayroon tayong strong na Armed Forces, may strong tayo na reserve military force?…Ayaw na ayaw talaga nilang maibalik ang ROTC,” ayon sa senador.

“So, tayo naman, wala naman tayong agenda kundi magkaroon ng malakas na depensa ‘yung ating bansa at ituloy na maibalik ang ROTC. ‘Yun lang naman at ‘yung disiplina ng ating kabataan ay manumbalik,” dagdag.

Abantelliling with Ritz Azul