WebClick Tracer

Andanar: Duterte bilang legal consultant ni Senador Bong Go, hindi imposible

Hindi na ipinagtaka ni acting Presidential Spokesman Martin Andanar kung magiging legal consultant ni Senador Bong Go si Pangulong Rodrigo Duterte pagkatapos ng kanyang termino.

Ito ang inihayag ni Andanar makaraang mabanggit ni Senador Go sa isang interview na gusto niyang maging legal consultant niya ang Presidente pagbaba nito sa puwesto.

Sinabi ni Andanar na malapit sa isa’t isa ang Pangulo at ang senador, bukod pa sa ang Pangulo ang mentor ni Senador Go.

“I wouldn’t be surprised if the President will be there to advice Sen. Bong Go since they are very close to each other. At alam naman natin na si Presidente ay mentor ni Sen. Bong Go,” ani Andanar.

Hindi naman makumpirma ng kalihim kung tinanggap ng Presidente ang alok ng senador dahil hindi pa niya nakakausap ang Presidente.

Sa social media lamang aniya nito nakita na nakahanda umano ang Pangulo na maging legal consultant ng kanyang dating aide.

Sa ngayon ani Andanar ay wala siyang nalalaman na ibang alok sa Presidente sa bagong administrasyon maliban sa maging drug czar na tinanggihan nito.

“Officially right now, wala pa akong natanggap na pahayag mula kay Presidente na willing siyang maging legal adviser ni Sen. Bong Go. Pero kanina, may nakita ako sa social media na lumabas na willing diumano,” dagdag ni Andanar.

TELETABLOID

Follow Abante News on