WebClick Tracer

Marcoleta napipisil bilang Energy secretary

Lumutang ang pangalan ni SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta bilang isa sa napipisil na maging kalihim ng Department of Energy (DOE) ng papasok na administrasyon.

Ayon sa source ng Bilyonaryo.com, seryosong ikinokonsidera si Marcoleta ni President-elect Ferdinand Marcos Jr.

Ayon pa sa Bilyonaryo.com, ikinokonsidera rin si Marcoleta na maging hepe ng Energy Regulatory Commission (ERC) pero naniniwala umano si Marcos na mas magiging epektibo ito kung pamumunuan nito ang DOE.

Noong kampanya, isa sa binibigyan-diin ni Marcoleta sa mga talumpati ang pangangailangan na ibaba ang presyo ng kuryente.

Naglatag din si Marcoleta ng mga hakbang upang magawa ito gaya ng pag-aalis sa system loss. Iginiit ni Marcoleta na hindi kasalanan ng mga kustomer na nawala o nanakaw ang kuryente at dapat pinapasan ang gastos dito ng kompanya ng kuryente.

Ang local franchise tax ay hindi rin umano dapat ipinapasa sa mga kostumer.

Si Marcoleta ay isa sa senatorial candidate ng UniTeam nina Marcos at Vice President-elect Sara Duterte. Umatras ito bago ang eleksyon dahil mababa ang kanyang survey rating.

Nauna nang iniulat ng Bilyonaryo.com na ikinokonsidera rin sa posisyon sina Pampanga Rep. Juan Miguel “Mikey” Arroyo at ERC Chairman Agnes Devanadera. Si Arroyo ay anak ni dating pangulo at incoming Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa panayam noong Huwebes, natanong si Marcos kung bibigyan nito ng posisyon si Marcoleta sa kanyang gabinete.

Ayon Marcos, tinanong nito si Marcoleta kung sa palagay nito ay saang posisyon siya mas magiging kapaki-pakinabang. Hinihintay umano ni Marcos ang tugon ni Marcoleta.

“And so all of that, so Ka Dante Marcoleta, I asked him the same question and I’m waiting for his answer. But definitely, with his legal prowess, I think he would be of great use to us,” dagdag pa ni Marcos.

Si Marcoleta, isang abogado at miyembro ng Iglesia Ni Cristo, ay isa sa nanguna sa pagbasura sa legislative franchise ng ABS-CBN noong 2020. (Billy Begas)

‘Best of Sportalakan’ Sabong edition