WebClick Tracer

Ping tuloy sa pagkumbinse sa mga botanteng wala pang solidong kandidato

Magpapatuloy si presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson at kanyang campaign teams sa pagkumbinse sa mga botanteng nagdadalawang-isip pa rin sa pagboto sa kanya upang maipanalo ang laban para sa mga Pilipino na pagod na sa sistema ng maruming pulitika.

Inihayag ito ni Lacson sa panayam ng ‘Emedia Mo’ online radio station na naka-base sa Zamboanga City nitong Martes (Abril 12). Aniya, gumagawa sila ng pamamaraan upang maresolba ang isyu hinggil sa mga botante na aminadong nakondisyon na ng mga survey kung saan inilalagay siya sa pinakahuling ranggo.

Ayon kay Lacson, patuloy siyang nakatatanggap ng mga komento mula sa mga taong nagsasabi na siya sana ang kanilang top choice bilang pangulo, pero dahil sa mababa niyang rating sa mga pre-election poll ay iniisip nang iboto ang ibang kandidato—bagay na hindi dapat nagiging batayan sa pagpili ng susunod na pangulo.

“Ito ‘yung sistema and we’re trying to address this. Sinasabi nila gusto namin si Senator Lacson kasi sa mga debate, sa mga fora, siya ‘yung talagang narinig namin maliwanag… Pero ‘yon nga, baka masayang lang ‘yung boto natin kasi baka naman hindi mananalo,” ani Lacson.

“‘Yon ang problema ‘pag may mga lumalabas na surveys na nag-co-condition ng mind ng ating mga kababayan… Imagine kung lahat lang ‘yon nagsasabing gusto akong iboto… Kung lahat ng ‘yon hindi na-i-influence o na-su-sway ng mga survey na lumalabas, e marami ‘yon,” dagdag niya.

Sabi pa ng independent candidate, maraming rason kung bakit hindi siya makapaniwalang dalawang porsyento lamang ang rating niya sa mga survey, at ito ay dahil sa mga positibong komento at pagtanggap mula sa publiko sa kanyang mga binibisitang lugar para mangampanya, gayundin sa kanyang matagumpay na performance sa mga presidential debate.

Ang mababang pre-election poll rating na ito ay tila sumasalungat din umano sa galaw ng kanyang katunggali na kumukumbinsi sa kanyang umatras na sa presidential race. “Bakit ganoon? Kung two-percent bakit mo papansinin?” kuwestiyon ni Lacson.

“Kaya gusto naming ma-cross o ma-break ’yung barrier na ‘yon na kung gusto niyo kaming dalawa na magka-tandem, gusto niyo akong… Kasi ‘yon pa isang hindi ko talaga mapaniwalaan, ano. After all the debates, after all the fora and the interviews…” lahad pa ng presidential candidate.

“Simula pa noong unang-una pa, hindi pa nga nag-ca-campaign period halos, e ano naman, declared winner naman ako lagi sa mga plataporma, sa mga adbokasiya, sa mga sagot. Maski fast-talk, maski ano pang daanin ay isa naman ‘yung verdict, talaga namang angat na angat tayo doon,” sabi niya.

Sa nasabi ring panayam, nabanggit din ni Lacson na sa mga pangyayari ngayong 2022 presidential campaign ay hindi niya maiwasang maalala ang mensahe ng paborito niyang kanta na ‘Sound of Silence’ ng folk rock duo na sina Simon & Garfunkel.

Paliwanag ni Lacson, kaya pinili nila ng kanyang vice-presidential running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang makipagdayalogo imbes na magsagawa ng campaign rally ay upang mapakinggan din ang boses ng mga dumadalong botante at hindi lamang sila ang magsasalita.

“‘Di ba, may kanta ‘yung ‘Sound of Silence’ na hearing without listening? Narinig pero hindi naintindihan o kaya narinig na hindi naman naririnig talaga kasi hindi na-a-absorb. Mas maganda ‘yung sa amin kasi engagement,” aniya.

“Nandiyan kami sa gitna ng town hall, kausap namin ‘yung mga karaniwan nating mga kababayan. Hindi ‘yung mga nasa baba lang. May mga negosyante kaming kausap din at hanggang kababa-babaan—from (Classes) A to E ang kausap namin… We will never forget this experience kung ano man ang mangyari,” saad pa ni Lacson.

TELETABLOID

Follow Abante News on