WebClick Tracer

Ex-solon hinamon si Isko na ipaliwanag inutang na P25B

Hinamon ni dating Manila Rep. Amado Bagatsing si Manila Mayor Isko Moreno na ipaliwanag kung bakit nangutang ito ng P25 bilyon gayong ang city government ay mayroon P44 bilyong pondo.

Sinabi ni Bagatsing na nagulat siya ng makita ang mga financial document ng Manila City hall.

“Ako’y na-shock nung malaman kong meron palang pera ang ating lungsod na halagang P44 bilyones aba’y bakit pa nangungutang ng P25 bilyon,” sabi ni Bagatsing na tumatakbo sa pagka-alkalde ng Maynila.

Kinuwestyon din ni Bagatsing kung bakit ginawa ang pagbebenta ng Divisoria market sa panahon na mababa ang halaga ng mga real estate property dahil sa pandemya.

“Kung meron kang P44 bilyon bakit kailangang magbenta ka pa ng….ika nga bakit magbebenta ka ng palengke, inalisan mo ng hanapbuhay yung mga tao plus ang presyo ng mga real estate ngayon ay mababa… dahil sa pandemya eh hindi kanais-nais na ngayon ka mag-dispose ng assets mo,” sabi ni Bagatsing.

Kung ipinamigay umano ng city hall ang P25 bilyong inutang nito makatatanggap ang bawat pamilyang Manilenyo ng tig-P50,000.

“Subalit sa aktwal, ang bawat pamilyang Manilenyo ay nakatanggap lang ng halagang 800-piso na pamaskong handog. Ang mas masakit, hindi na nga natanggap ang P50,000 kada pamilya, may utang pa ngayon ang bawat pamilyang Manilenyo ng P50,000 plus interes, na pati ang kinita ng mga commissioner, tayo pa din ang magbabayad!” sabi pa ni Bagatsing.

Isiniwalat din ni Bagatsing na gumastos ng milyun-milyon ang city government para sa “Bilis-Kilos” television advertisement at tulong na ibinigay sa ibang bansa na inilarawan niyang “in aid of election ni Isko.”

“Sana bago tayo tumulong sa ibang bayan, unahin muna natin ang ating sariling bayan. Bakit ka mangungutang para lamang magpapogi at magpaganda? Yan ang maliwanag na mga pagwawaldas ng ating kabang yaman!” giit ni Bagatsing.

Nanawagan si Bagatsing sa mga Manilenyo na atasan si Moreno na isapubliko kung ano-ano pang ari-arian ng city hall ang ibinenta nito.

“Tanungin po natin ang kasalukuyang Mayor at Vice mayor, ano na po ang mga nabenta o ibebenta pa ninyo bukod sa PNB building at Divisoria market? Alamin natin baka mamaya hindi na tayo ang may-ari ng Boystown, ng Mehan Garden, ng Museong Pambata? (Ano pa) Naiisip nila (baka) pati City Hall ibebenta nila. Alamin natin, baka pati ang North at South Cemetery ibinebenta na din, kasama ang mga narematang pag-aari,” sabi pa ng dating kongresista.

Nauna nang idinepensa ni Moreno ang pagbebenta ng Divisoria market sa Festina Holdings Inc. sa halagang P1.45 bilyon. Ginamit umano ang pondo sa mga programa ng lokal na pamahalaan upang malabanan ang COVID-19 pandemic.

TELETABLOID

Follow Abante News on