WebClick Tracer

Lacson-Sotto: ‘Trabaho aagos kung katiwalian, kawatan mauubos’

Maaasahan ng mga Pilipino na mas maraming oportunidad at trabaho ang magbubukas sa ilalim ng administrasyong Lacson-Sotto dahil sa pangunahin nilang adbokasiya na maayos ang balikong sistema sa pamamahala at maubos ang mga magnanakaw sa gobyerno na nagsasamantala sa kaban ng bayan.

Kaugnay nito ay target ng Lacson-Sotto na mapaunlad ang ranking ng Pilipinas sa Corruption Perceptions Index (CPI) ng Transparency International upang makahikayat ng mga dayuhan na mamuhunan o magtatayo ng negosyo sa ating bansa.

Ibinahagi ito ni Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson sa harap ng kanilang mga tagasuporta sa Monkayo, Davao de Oro na binisita niya kasama ang running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III at tatlo sa kanilang senatorial candidates nitong Sabado.

Sabi ni Lacson, batay sa datos ng CPI noong 2021 ay ika-117 ang Pilipinas mula sa 180 na mga bansa sa buong mundo, nangangahulugan ito na kabilang tayo sa mga may pinaka-corrupt na gobyerno. Ang masama pa, tayo ang pinakahuli sa listahan kung ihahambing sa mga bansang nasa Timog-Silangang Asya.

“Hindi po ba kahiya-hiya sa mga Pilipino na ang ating bayan, na kinabibilangan ng sabihin nating 180 countries lang ang pinagkumparahan, number 117? Now, anong nagiging consequence?… ‘Yung mga ibang bansa naghahanap kung saan mag-i-invest, maglalagak ng negosyo kung saan,” sabi ni Lacson.

Kung magpapatuloy ito, ayon kay Lacson, ay maaaring bumaba ang inaasahang foreign direct investments na papasok sa bansa na magbibigay-daan sana para makalikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino dahil sa mga puhunan sa mga industriya at negosyo na kaakibat nito.

“Anong implikasyon kapag hindi pumupunta rito ‘yung mga investor na dayuhan? Wala tayong trabaho. Kasi kung dito mag-i-invest, merong job generation. Napaka-importante na ayusin natin ang gobyerno para maging maayos ang buhay ng bawat Pilipino, ng buhay ninyo,” dagdag niya.

Sinabi ni Lacson sa mga Davaoeño na pinagsisikapan niyang labanan ang korapsyon sa mahabang panahon niya sa serbisyo publiko dahil para sa kanya, ito ang ugat ng kahirapan sa bansa. Katulad na lamang ng pondo ng bayan na dapat sana’y napupunta sa maaayos na proyekto pero inaabuso ng mga ganid na politiko o kaya ay hindi nagagamit nang tama.

Binalikan ni Lacson sa kanyang talumpati ang kuwento ng ‘gintong orinola’ na naging kontrobersyal noong dekada ’40 sa loob ng panunungkulan ni dating Elpidio Quirino at ang mga anomalya sa PhilHealth na kanyang isiniwalat sa mga nakaraang taon bilang halimbawa ng mga isyu ng katiwalian na iiwasan niya sa kanyang pamahalaan.

“‘Pag ating pinag-aralan ang lahat ng problema ng bansa, babalik at babalik tayo sa korapsyon. Kaya kami ang pangunahin naming (layunin) talaga ‘yung labanan ang korapsyon, labanan ang mga kawatan, ‘yung magnanakaw sa gobyerno,” saad ng presidential candidate.

Ayon naman kay Sotto, masosolusyonan ang korapsyon kung pipiliin ng publiko ang tambalan nila ni Lacson at bibigyan sila ng pagkakataon na ipatupad ang kanilang programa na Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE). Layunin nitong isaayos sa sistema ng paggasta sa pambansang badyet upang maramdaman ng mas nakararami.

“Kung bigyan niyo kami ng pagkakataon na kami ang magpatupad ng mga batas na ginawa namin, nakatitiyak ako [na] mapupunta sa inyo ang mga pangangailangan, mapupunta sa inyo ang kaban ng bayan, at hindi mapupunta sa bulsa namin o sa bulsa ng mga magnanakaw. ‘Yon ang iiwasan natin sa 2022,” pahayag ng vice-presidential aspirant sa mga Davaoeño.

Kasama ng Lacson-Sotto tandem ang mga senatorial candidate na sina Dra. Minguita Padilla, Monsour del Rosario at Manny Piñol sa kanilang campaign rally sa Monkayo. Hinimok nila ang mga botante na maging mapanuri sa pagpili ng susunod na mga lider para sa local at national government.

“So, dapat matuto po tayo mga mamamayan dito sa Monkayo, sa buong Pilipinas, lalo na rito. Kailangan siguro sa Davao de Oro, pag-aralan nating mabuti kung sino ‘yung magbibigay sa atin ng pagbabago; kung sino ‘yung mag-aayos ng gobyerno sa Davao de Oro,” sabi ni Lacson.