WebClick Tracer

Iwas riot! Mala-sardinas na kulungan solusyunan – De Lima

Hinimok ni Senadora Leila de Lima ang pamahalaan na tugunan ang matagal nang problema sa nagsisiksikang mga kulungan sa bansa.

Ginawa ng senadora ang panawagan kasunod ng pagkamatay ng anim na preso at pagkasugat ng 33 Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa isang riot na naganap sa Caloocan City Jail noong Enero 11.

Nangyari ito, isang linggo matapos tatlong PDLs ang namatay din sa isa pang riot sa New Bilibid Prison (NBP).

“Hangga’t hindi nabibigyan ng kaukulang pansin at hindi nasosolusyunan ang matagal nang problema ng malubhang pagsisiksikan sa ating mga kulungan, hindi matatapos ang ganitong mga kaguluhan at insidente ng karahasan,” sabi ni De Lima.

“Paulit-ulit lang itong mangyayari at lalo lamang lalalim ang ugat ng problema. Let’s not forget also that severe congestion makes PDLs extremely vulnerable to diseases and COVID-19 infection,” diin pa nito.

Nauna nang kinumpirma ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson Xavier Solda na bukod sa anim na napatay na PDLs, 33 din ang malubhang nasugatan.

“PDLs are humans too who deserve humane treatment. Obligasyon nating igalang ang karapatang pantao ng lahat. Anuman ang estado sa buhay, ang nakaraan, pinanggalingan o paniniwala, karapatan ng bawat isa ang makataong pagtrato,” ani De Lima.

“Ang bilangguan o piitan ay isa ring lunsaran ng pagbabagong-buhay; ng pagkakataon na pagsisisihan ang kasalanan at makabalik sa lipunan. Kung ang dadatnan at ang magiging pamumuhay ng PDLs ay may talamak na krimen, pang-aabuso, may malubhang siksikan na nagdudulot ng pagkakasakit at ibayong dusa, paano magiging posible ang pagbabagong buhay?,” tanong ng senadora. (Dindo Matining)

Bianca Umali binuyangyang ang katawan sa IG

TELETABLOID