Hindi inaalis ng OCTA Research ang posibilidad na ang Omicron COVID variant na ang kumakalat sa Metro Manila dahil sa mabilis na pagtaas ng mga kaso ng tinamaan ng COVID-19.
Ito ang inihayag ni Dr. Guido David dahil sa naitalang mataas na COVID cases sa National Capital Region (NCR) na umabot ng mahigit tatlong libo.
Ayon kay David, kung papansinin ang mga datos noong unang tatlong linggo ng Disyembre ay halos wala pang 500 cases subalit pagdating ng huling linggo ay biglang sumirit ng hanggang apat na libong COVID cases.
“Ang bilis tumaas, one week lang parang times ten ang itinaas. Dahil siguro sa mga gatherings pero ang palagay natin, ang malaking possibility na may Omicron transmission na nangyari sa Metro Manila,” ani Guido.
Posibleng tataas pa aniya ito kapag natapos ang genome sequencing sa huling linggo ng 2021 dahil may delay ang pagsusuri sa mga sample ng Philippine Genome Center.
“Yung Genome sequencing may delay kasi yan, yung latest sequencing natin mga second week of December pa yan, eh yung pagdami ng kaso nangyari last week of December kaya let’s wait for the Genome sequencing last week of December,” dagdag ni David.
Nakalimutan aniya ng mga taga-Metro Manila ang pag-iingat at mga paalala ng gobyerno laban sa COVID-19 at hindi napigilan ang mga kasiyahan noong holiday season kaya tumaas ang COVID cases.
“Dahil sa paglabas ng mga tao noong Disyembre at dahil sa Omicron. It’s a combination of both. Ang ating mga kababayan nakalimutan yung pag-iingat at mga reminders,” wika ni David. (Aileen Taliping)
Bianca Umali binuyangyang ang katawan sa IG