WebClick Tracer

Dagdag krusada ni Ping: Bantay magnanakaw

Sa pagpasok ng panibagong taon, patuloy na magbabantay si Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson sa pangkalahatang kaligtasan at kalusugan, banta ng pandemya sa ekonomiya, kawalan ng hanapbuhay at talamak pa ring pagnanakaw sa mga Pilipino—ng maliliit mang kriminal o ng mga nasa gobyerno.

Ito ang pangako ni Lacson at running mate na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III upang mapabuti ang buhay ng lahat ng mga Pilipino at hindi lamang ng iilan.

Sa kanyang opisyal na Facebook page, inilahad ni Lacson ang malinaw niyang mga plano para maproteksyunan ang buhay ng mga Pilipino na biktima ng sistema na umuubos sa kanilang oras at nagpapabagal ng pag-unlad.

Kabilang dito ang pagbibigay prayoridad sa mga lokal na manufacturer, contractor sa iba’t ibang industriya na lumilikha ng mga produkto at serbisyo na kailangan ng taumbayan. Para naman sa maliliit na negosyante, plano ni Ping na mabigyan sila ng pagkakataon na makautang nang mas malaki pero maliit na interes para mapalago ang kabuhayan.

Para naman sa mga negosyante na hindi magtatanggal ng mga empleyado lalo’t apektado pa rin ang bansa ng nagpapatuloy na pandemya, alok ni Lacson ang pagbibigay ng tax incentive.

Bahagi rin ng plano ni Lacson ang paglalaan ng P18 bilyong pondo para sa ligtas, maaasahan, mabilis at murang internet sa bansa na sakop maging mga nasa kanayunan.

Aniya, makatutulong ito sa ‘decentralization’ ng mga urban area at pagpapalakas ng work-from-home system na magbibigay-pagkakataon sa mga manggagawa upang mabalanse nang maayos ang kanilang oras.

Sa isang talumpati, iginiit ni Lacson na maisasagawa niya ang mga pangakong ito dahil sa tatlong ‘K’ na taglay nila ni Sotto para sa matinong pamamahala sa bansa, na hindi makikita sa ibang naghahangad na humawak ng dalawa sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno.

“Tatlong K—Kakayahan, Katapangan, Katapatan—’yon ang aming pantapat. Wala kaming pwedeng ipagmalaki na ‘Solid North;’ wala kami pwedeng ipagmalaki na ‘Solid South’… Napakalaki ng problema ng ating bansa, hindi kayang ma-solve ng pagiging ‘Solid North’ o ‘Solid South.’ Ang pantapat lang talaga doon ano ‘yung kakayahan, ano ‘yung katapatan sa serbisyo, ano ‘yung katapangan,” ani Lacson.

TELETABLOID

Follow Abante News on