60

Jul 20, 2021 @ 15:49
By

2022 elections pakikialaman ng China – Hontiveros

Posible umanong maimpluwensyahan ng gobyerno ng Tsina ang halalan sa 2022 sa pamamagitan ng mga cyber espionage campaign laban sa Pilipinas, ayon kay Senadora Risa Hontiveros.

“Hindi na ako magugulat kung makialam sa ating eleksyon ang Tsina. Klaro namang gagawin nila ang lahat para maangkin nang tuluyan ang ating mga karagatan at teritoryo sa West Philippine Sea, at kasama na rito ang pagtatalaga ng lider na hindi kokontra sa utos nila,” sabi ni Hontiveros.

“Ang mga kampanya sa cyber warfare at disinformation ng Tsina ay magiging isa sa pinakamalaking banta sa ating pambansang seguridad at sa ating demokrasya,” dagdag pa nito.

Nagbabala si Hontiveros matapos maglabas ng report ang cyber security firm na Kaspersky na mayroong isang “rare, wide-scale advanced persistent threat” ng mga Chinese “actor” na nagtitipon ng geopolitical at economic intelligence sa Asya at Africa.

Sabi sa ulat, ang 1,400 na users sa Pilipinas, kabilang na ang mga entity ng gobyerno, ay nabiktima ng mga spear-phishing emails na naglalaman ng mga malisyosong dokumento.

“Modus din ang paggaya kunwari sa mga app tulad ng Zoom na kadalasang ginagamit sa mga pagpupulong at mga klase sa online ngayong pandemya. Hindi namamalayan ng user, kinukuha na pala ang data niya. Hindi rin ito ang unang beses naireport na may mga cyberespionage atake laban sa Pilipinas na di umano ay mula sa Tsina,” ani Hontiveros.

“Dapat may mga polisiya at paghahanda na tayo sa tuloy-tuloy na pangingialam ng Tsina dahil mahaba-habang laban ito. Hindi tumitigil ang Tsina sa panghihimasok kaya dapat hindi rin tayo tumitigil sa pagpalayas,” saad pa nito.

Kaya naman, hinimok ni Hontiveros ang Department of National Defense (DND) at ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na tingnan agad ang mga ulat ng Kaspersky. Sinabi ng senadora na ang mga ahensya ay dapat ding maglabas ng mga protocol para sa bawat Pinoy internet user laban sa cyber intrusions ng China.

“Dapat palakasin ng DND at DICT ang ating cyberdefense framework, at dapat magkaroon din ng kamalayan ang Filipino users kung paano natin mapoprotektahan ang ating sarili mula sa cyberattacks.

“Walang respeto sa ating soberanya ang Tsina kaya tayo mismo sa Pilipinas ay dapat maging mapagbantay. Tulong-tulong nating siguraduhin na ang interes at kapakanan ng Pilipinas ay napapanindigan,” ayon kay Hontiveros.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?