WebClick Tracer

7 ospital sa Iloilo tuloy sa pagkalas sa PhilHealth

Desidido na ang pitong pribadong pagamutan sa Iloilo City na kumalas sa PhilHealth simula Enero 1 dahil sa pagkakautang ng state insurer sa mga naturang ospital.

Ayon kay Dr. Danilo Encarnacion, presidente at CEO ng Metro Iloilo Hospital and Medical Center, hindi humantong sa pagkakaroon ng solusyon ang naging pagpupulong ng pitong ospital sa PhilHealth.

“Wala na kaming magagawa. We have to pursue our plan to disengage by January 1, 2022, dahilan sa noong December 20, nagkaroon sana ng meeting with the president of PHIC (Philippine Health Insurance Corp.) dito sa Iloilo pero wala pong nangyari sa meeting,” wika ni Encarnacion sa panayam ng TelerRadyo.

“Nag-appeal lang sila na huwag ituloy ang pagkalas ng mga hospitals at mayroon silang idinidiin na promisa regarding sa DCPM (Debit-Credit Payment Method). Alam naman nila na hindi kami sang-ayon sa DCPM,” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng DCPM na iminungkahi ng PhilHealth sa pitong ospital, 60% muna ng utang ang babayaran ng PhilHealth habang ang natitirang 40% ay babayaran kapag nakumpleto na ng mga ospital ang mga hinihinging requirement.

“Ang ayaw po namin dito ay hindi namin malalaman ang proseso nito dahilan sa ang pagproseso nito ay unilateral. Sila lang ang nakakaalam. Ang hospital ay hindi nakakaalam niyan,” dagdag pa ni Encarnacion.

“’Yun ang pinipilit nila. Hindi kami binigyan ng chance na kung ano man ang magiging posisyon namin doon. Basta ‘yun lang ang ipinipilit nila. Kapag wala daw ‘yun, wala na daw po,” aniya.

Ayon sa pitong ospital, aabot sa P545 milyon ang kabuuang halaga ng unpaid claim sa kanila ng PhilHealth.

Ang mga pagamutan na kakalas sa PhilHealth ay ang Iloilo Mission Hospital, St. Paul’s Hospital of Iloilo, Iloilo Doctors’ Hospital, Medicus Medical Center, The Medical City of Iloilo, Qualimed Hospital Iloilo, at ang Metro Iloilo Hospital and Medical Center Inc.

TELETABLOID

Follow Abante News on