WebClick Tracer

Dar ayaw pa mag-SRP sa baboy kahit tumaas presyo

Hindi pa maglalagay ng suggested retail price (SRP) sa baboy ang Department of Agriculture (DA) sa kabila ng pagtaas ng presyo nito.

Sabi ni Agriculture Secretary William Dar, minamanmanan ng kagawaran ang presyo ng baboy at napag-usapan sa pulong nito kamakailan na hindi pa napapanahon para maglagay ng SRP.

Aniya, nandiyan pa ang mga imported pork sa mga warehouse at dapat itong ilabas sa merkado imbes na patagalin sa mga imbakan.

Ayon sa datos ng National Meat Inspection Service (NMIS), nasa 77,433 tonelada pa ang mga imported pork sa mga accredited cold storage noong Nobyembre 15. Bahagya lamang umano ang nabawas dito kung ikukumpara noong Nobyembre 8 kung saan 77,229 tonelada pa ang mga nakaimbak.

Sabi ni Dar, napagkasunduan sa kanilang pagpupulong na dapat siguruhing may supply ng baboy at kailangang may local at imported pork palagi sa merkado.

“Constant dapat ang suplay,” ayon kay Dar.

Paliwanag niya, hindi pa ganoong kalaki ang itinaas ng presyo ng baboy para patawan ito ng SRP.

“Sa historical data, hindi pa na-meet ang point na puwede nang magdeklara ng SRP,” dagdag ng kalihim.

TELETABLOID

Follow Abante News on