WebClick Tracer

Tenggang sahod ng mga OFW sa Saudi, hindi agad makukuha

Dadaan pa sa proseso bago tuluyang makuha ng mahigit 12,000 OFW ang kanilang hindi nakubrang suweldo mula sa nagsarang dalawang dambuhalang kumpanya na kanilang pinaglingkuran sa Saudi Arabia.

Ito ang inihayag sa Laging Handa press briefing ni Administrator Hans Leo Cacdac ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA.

Ayon kay Cacdac, pag-uusapang mabuti ng gobyerno at ng Labor Ministry ng Saudi kung paano ipapatupad ang pagbabayad sa sahod ng mga OFW.

“Iyong kaparaanan ay kailangan pa natin malaman nang husto sa Saudi side kung ano ang magiging kaparaanan ng distribusyon, magkakaroon pa ng mga pagpupulong,” ani Cacdac.

Pupunta aniya sa Pilipinas ang Saudi Labor Minister para maging mas malinaw ang mga gagawing hakbang sa pagbabayad sa sahod ng mga OFW na hindi nabayaran noong 2016 hanggang 2017 na inabot ng mahigit P4.6 bilyon.

Nagpulong noong nakalipas na linggo si Labor Secretary Silvestre Bello III at ang counterpart nitong Saudi Labor Minister na ginanap sa Dubai at nagkasundong paplantsahin pa ang mga proseso pagbisita sa bansa ng Saudi Minister.

Nauna rito nagbanta ang Department of Labor and Employment na magpapatupad ng deployment ban sa Saudi Arabia hangga’t hindi nababayaran ang sahod ng mahigit 12,000 OFW na sinuba ng dalawang nagsarang dambuhalang kumpanya.

TELETABLOID

Follow Abante News on