WebClick Tracer

Pagpapatupad ng border control para di makapasok ang delta plus variant, pinag-uusapan na

Tinatalakay na ng Inter-Agency Task Force ang posibleng pagpapatupad ng border control para hindi malusutan ng Delta plus variant na umaatake ngayon sa ilang bansa sa Europa at Russia.

Sinabi ni Dr. Rontgene Solante ng National Task Force Against Covid -19 na pinag-uusapan na sa IATF ang isyu para makasigurong hindi makapasok sa bansa ang bagong variant ng COVID-19.

Inaalam na aniya ng IATF kung ano-anong mga bansa ang dapat na ilagay sa mahigpit na border control para mabantayan ang mga pasaherong papasok sa bansa.

“They are now talking about that. Ang hindi pa lang klaro dito kung anong mga bansa talaga na meron naitalang sub variant ng Delta variant,” ani Solante.

Bagamat bumaba na ang Alert Level at may bahagyang pagluluwag na sa Metro Manila at ilang lugar sa bansa, sinabi ni Solante na mahalaga pa ring sumunod sa health protocols para maiwasan ang posibleng pagtaas ng mga kaso sa COVID-19.

Papasok na aniya sa fourth quarter kung saan isa sa mahalagang panahon para sa mga Pilipino ang holiday season kaya hindi dapat maging kampante, bagkus ay mag-ingat pa rin dahil sa nananatiling banta ng COVID-19.

Hindi pa aniya natutukoy kung mas mabagsik o hindi ang Delta plus variant kaya mahalaga ang ibayong pag-iingat para hindi matamaan ng COVID-19.

“Papasok na tayo sa last quarter of the year, maraming gathering, pupunta sa malls sa christmas so siguro hanggat hindi natin nalalaman ang extent nitong sub type na Delta variant, mag-ingat pa rin tayo ” dagdag ni Solante. (Aileen Taliping)

TELETABLOID

Follow Abante News on