Hindi pa rin puwede ang mga kasayahan gaya ng Halloween at Christmas party kahit bahagyang nagluwag na ng community restrictions sa ilang lugar sa bansa.
Ito ang inihayag ng Department of Health (DOH) sa harap ng pagpasok ng holiday season kung saan panahon ng kasayahan at pagtitipon-tipon na nakagawian ng mga Pilipino.
Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kailangan pa ring iwasan ang 3Cs –closed spaces, crowded places at close-contact na mga lugar para makaiwas sa kontaminasyon ng COVID-19.
Maaari naman aniyang magsaya sa pamamagitan ng family bubble o pamilya lang at iwasan munang makipagsaya sa ibang tao na hindi nakakasiguro kung ligtas o may bitbit na COVID-19.
“Kapag mass gathering hindi pa rin natin pinapayagan. Pero kung yung mga sinasabi na within the bubble of the family, maaari namang gawin. Kailangan lang talaga yung safety protocol na ipatupad, yung 3 Cs natin i-recognize natin yan na iyan ang pinaka-magbibigay ng impeksiyon sa pamilya,” ani Vergeire.
Mas mainam aniyang gawin muna sa family bubble ang ano mang planong kasayahan at siguruhing nasusunod ang basic health protocols para makasiguro ng kaligtasan laban sa mabagsik na virus.
“Sakaling gagawin talaga, gawin natin sa labas ng ating mga tahanan pero siguraduhin ang wearing of mask at physical distance. Kung mayroong may sintomas, huwag na muna tayong umattend ng ganitong party,” dagdag ni Vergeire.
Nakasalalay aniya sa magiging pagtugon ng publiko sa mga paalala at pag-iingat ang kaligtasan laban sa COVID-19.
Kasabay nito, pinaalalahanan ni Vergeire ang mga lokal na opisyal, lalo na yaong mga kandidato na maging responsable sa kanilang pag-iikot at isipin ang kaligtasan at kapakanan ng publiko sa kanilang pangangampanya.
“Paalala po sa ating local governments, alam po natin at naiintindihan natin at nagkakampanya na tayo so sana tayo po ay magkaroon ng responsibilidad na magkaroon ng ganitong safety protocols during our campaign period,” wika ni Vergeire.